12/07/2005

Paciano Rizal: Bayani ng Bayan

Sino nga ba si Paciano Rizal? Ito ang karaniwang tanong ng karamihang mag-aaral ng kasaysayan. Kilala lamang siya bilang nakatatandang kapatid ng pambansang bayaning si Jose Rizal at bilang isang heneral noong panahon ng himagsikan. Ngunit ilan lamang ang nakakaalam ng iba pang tala tungkol sa kanyang buhay. Maging sa Los Banos, kung saan namuhay si Paciano matapos ang himagsikan laban sa Kastila at Amerikano, ay hindi alam na nanirahan siya roon. Dahil sa kakaunti lamang ang nalalaman tungkol kay Paciano, marami ang nagtatanong kung bakit itinuturing siyang bayani ng bayan.

Sa isang panayam noong ika-6 ng Mayo, inilahad ni Prop. Rolando Talampas, dating kasapi ng UP Lupon ng Sentenaryo at guro ng kasaysayan sa UP Manila, ang tungkol sa pagiging bayani ni Paciano.

Ipinanganak si Paciano sa Calamba noong ika-7 ng Marso 1851 bilang pangalawang anak nina Don Francisco Mercado at Do¤a Teodora Alonzo. Sampung taon ang kanyang agwat kay Jose. Ayon kay Talampas, marami ang nagsasabi na si Paciano ay isang taong matapat at may matatag na paninindigang tumupad sa kanyang mithiin. Marami siyang kaalaman kahit hindi niya natapos ang pag-aaral noong kaniyang panahon.

Si Padre Jose Burgos ang naging gabay ni Paciano sa panahon ng kanyang pag-aaral sa Colegio de San Jose at Unibersidad ng Santo Tomas. Likas ang pananaw na liberal, naging biktima siya ng sariling aktibismo. Sa matagal na panahong inilagi niya sa UST ay pinanatili siya sa isang grado o antas dahil sa kanyang mga pagtutol sa pamamaraan ng edukasyon at pagprotesta nang bitayin si Padre Burgos kasama sina Padre Gomez at Zamora.

Si Paciano ay mayroong sariling ambisyon. Kahit na siya ay tinatawag na "maginoong taga-bukid," mababakas ang kanyang kalinangan sa kanyang mga liham kay Jose. Marunong siya ng Kastila, Pranses, Ingles at Latin, at ilang wikang Pilipino.

Dahil sa kanyang naiambag sa paghubog ng katauhan ni Jose Rizal, naniniwala ang ilang historyador na "walang Jose kung walang Paciano." Si Paciano ang nagbigay ng materyal na suporta kay Jose sa kanyang pag-aaral sa Europa. Siya rin ang humikayat kay Jose na gamitin ang pangalang Rizal at mag-aral ng medisina at hindi abogasya. Ang mga pangaral ni Paciano ang naging sandigan ni Rizal upang siya ay maging matatag.

Nagkasundo ang magkapatid na lilisanin ni Jose ang Pilipinas upang maisulat niya, sa pamamagitan ng propaganda, ang tungkol sa masamang pamumuhay sa Pilipinas. Sa misyong ito, si Paciano ang nagtutustos. Nagkaroon din ng pakikibaka si Paciano tungkol sa lupa nang pangunahan niya ang pagtutol sa pamamalakad ng mga prayleng Dominikano sa lupang kanilang sinasaka sa Calamba. Dahil dito ay ipinatapon siya ng Royal Audiencia, ang hukumang Kastila, sa Mindoro.

Matapos ang pagbaril kay Rizal sa Bagumbayan, kaagad na tumungo si Paciano sa Cavite upang umanib sa rebolusyunaryong kilusan at dito'y ginawaran siya ng ranggong heneral. Maraming mga pakikihamok ang kanyang pinamunuan at pinagwagian laban sa mga puwersang Kastila. Tumagal ang kanyang pakikidigma hanggang noong 1899 sa panahon na ng mga Amerikano. Noong taong 1900, siya ay lubhang pinahina na ng malaria at siya'y nadakip ng mga Amerikano sa Laguna. Di nagtagal ay pinalaya siya ng mga Amerikano at noon ay ninais niyang manirahan sa Los Banos bilang isang "maginoong taga-bukid."

Ito ang katauhan ni Paciano na marahil ay noong panayam kay Prop. Talampas lamang natuklasan ng ilan. Mayroong siyang angking katauhang gaya ng mga kilalang bayani sa kasaysayan ng Pilipinas. Nag-alay siya ng talino at lakas sa isang maningning na hangarin. Ito ang mga katangiang taglay ng isang bayani ng bayan.

(Dino P. Dominguita, Office of Public and Alumni Affairs-UPLB

Source: http://www.upd.edu.ph/~up100/abrilmayo/paciano.html

1 Comments:

At 9:12 AM, Anonymous Anonymous said...

Maraming salamat po. :]

 

Post a Comment

<< Home