12/10/2005

Bakit ISIP PILIPINO?

Hello,

Salamat sa pagbisita dito sa sinimulan kong bagong Blogsite:
http://isippilipino.blogspot.com

Sa isip ko, tayong mga nagaral kuno eh medyo nakakaintindi sa mga nangyari at nangyayari sa ating inang Bayan. Kaya lang, wala na tayong pakialam; okey naman na tayo at ang ating pamilya; o sa tingin natin wala din namang magagawa, o kaya sumali na lang tayo sa pagsasamantala. Malamang me kakilala tayong gumagawa nito.

Ang isang malaking dahilan kaya walang nangyayaring kabutihan na gusto natin eh ang hindi pagkakaintindi ng KARAMIHAN sa mga pangyayari. Ang isang mabigat na dahilan ay ang pagkawala natin ng NASYONALISMO. At bakit wala?


Dahil sa sistema ng edukasyon, dahil sa midyang puno ng mga dayuhang programa sa telebisyon at radyo, at iba pa. Dahil bata pa nagaaral na tayong bumasa ng Ingles, istorya o nobelang Ingles, kantang Ingles, sineng Ingles, at iba pa, kaya isip Ingles. isip Dayuhan. Iyan ang resulta ng tinatawag na "kulturang imperyalista." Walang bayonetang nakaamba, maganda dating, parang natural, hindi halata pero nakuha ang resultang ninanais, ang magkaroon ng isip Dayuhan, isipang panig sa dayuhan.

Isa pa. Dahilan dito, hindi uso ang magsalita sa sariling wika. Walang class. Kaya pa-class lahat. Kung hindi ka makapag-Ingles, tupi ka, walang tiwala sa sariling kakayahan, andar ng isipan; bakya ka kasi. Lahat nayang nasa isipan at pagkilos natin, naging resulta ng pagka isip Ingles, isip Dayuhan. Kaya sinasabi na "damaged culture" tayo. Kaya hindi tayo respektado ng kapwa Asiano. Napapaligiran tayo ng mga kalapit bayan na Asiano pero gusto nating ipagyabang na Westernized kuno tayo, Kristiyano kuno tayo, pero mukha ba tayong hindi Asiano/Malayan? Hindi natin mismo alam kung ano at sino tayo. Kaya tuwa ang Kano at ibang dayuhang nasa inang Bayan. Habang tayo tayo'y nagkakagulo, nagpapatasan ng ihi, nagpaparetoke at iba pa, sinasamantala nila ang inang Bayan.

Ang mga ibang bansang Asiano gaya ng Malaysia, Indonesia, Vietnam, Korea, Tsina (at iba pang bansa kahit saan) ay sinakop din ng mga dayuhan, pero ang kanilang edukasyon ay sa sarili nilang wika, ke pulitika, bisnes o siyensiya at iba pa ang pagaaralan, paguusapan o susulatin. Kaya ang KARAMIHAN sa kanilang bansa ay may NASYONALISMO.

Pero tayo, sa loob ng sariling bayan nagpupumilit mag Ingles, mas gustong magsalita ng Ingles, kumanta ng Ingles, sumulat sa Ingles at iba pa. Alam naman natin, lalo na yung mga tumitira sa ibang bansa -sa ating idolo na Amerika, hindi ka naman kikilalanin na Kano, kahit me greencard o citizen ka na. Hindi naman tayo talagang Kano o magiging mukhang Kano, ke mag-dye o magparetoke tayo.

Teka, kalimutan at pabayaan na natin yong mga umalis o aalis o todo ng tinalikuran ang Bayan.

Ang importante ay yong mga hindi makaalis, lalo na yong mga 80 milyon na maiiwan o kaya puwedeng makaalis pero ayaw umalis at talikuran ang sariling Bayan, ang KARAMIHAN. Ang KARAMIHAN ang dapat magkaisa at maging Makabayan, magkaroon ng nasyonalismo.

Kaya para sila magkaisa at malunasan ang kanilang pagdurusa, kailangan nilang maintindihan ang mga koneksiyon ng ibat ibang problema nila sa Bayan. Para makita nila ang dahilang sakit at hindi ang mga sintomas ng sakit. Para ang tamang gamot ang ibigay. Para magkaintindihan at magkaisa ang KARAMIHAN, kailangang gamitin ang sariling wika, ang wika ng KARAMIHAN.

Hindi kailangang magpalaliman ng sariling wika, o magimbento ng bagong salita. Basta gamitin natin ang madaling maintindihan, ang ginagamit ng KARAMIHAN. Tagalog pero pwedeng Taglish, Spanlog, o Chabakano, Ilokano o Cebuano at iba pa kung kailangan. Basta sariling atin, Pilipino, hindi dayuhan gaya ng Ingles (Intsik, Hapon o Koreano) sa ating Bayan. Kailangang magkaintindihan tayo unang una, hindi ang dayuhan. Magpahinog na sila. Ganoon din naman sila sa kanikanilang bansa. Naiintindihan nila ang Ingles natin, hindi natin maintindihan ang kanilang wika, alam nyo ba? Kaya lumalamang sila sa atin.


Masakit at matagal ang gamot dahil parang kanser ang sakit ng Bayan. Sa katunayan, mas masakit at mas matagal. At gaya ng pinagdaanan ng ibang bansa sa kapaligiran, radikal ang gamot para magkaroon ng pagkatataon ng pagbabago para sa KARAMIHAN. Pero kung nagkakaintindihan, ang direksiyon ng patutunguhan ay mulat at buong pusong pupuntahan.....

Ating paguusapan ang mga dapat malaman at gawin.....

At gaya ng dati, ang mga tugon nyo ay nakakatulong lalu na sa bagitong ito.....Salamat sa pagbasa.


"Upang maitindig natin ang bantayog ng ating lipunan, kailangang radikal nating baguhin hindi lamang ang ating mga institusyon kundi maging ang ating pag-iisip at pamumuhay. Kailangan ang rebolusyon, hindi lamang sa panlabas, kundi lalo na sa panloob!" --Apolinario Mabini, La Revolucion Filipina (1898)

0 Comments:

Post a Comment

<< Home