12/10/2005

Bakit ISIP PILIPINO?

Hello,

Salamat sa pagbisita dito sa sinimulan kong bagong Blogsite:
http://isippilipino.blogspot.com

Sa isip ko, tayong mga nagaral kuno eh medyo nakakaintindi sa mga nangyari at nangyayari sa ating inang Bayan. Kaya lang, wala na tayong pakialam; okey naman na tayo at ang ating pamilya; o sa tingin natin wala din namang magagawa, o kaya sumali na lang tayo sa pagsasamantala. Malamang me kakilala tayong gumagawa nito.

Ang isang malaking dahilan kaya walang nangyayaring kabutihan na gusto natin eh ang hindi pagkakaintindi ng KARAMIHAN sa mga pangyayari. Ang isang mabigat na dahilan ay ang pagkawala natin ng NASYONALISMO. At bakit wala?


Dahil sa sistema ng edukasyon, dahil sa midyang puno ng mga dayuhang programa sa telebisyon at radyo, at iba pa. Dahil bata pa nagaaral na tayong bumasa ng Ingles, istorya o nobelang Ingles, kantang Ingles, sineng Ingles, at iba pa, kaya isip Ingles. isip Dayuhan. Iyan ang resulta ng tinatawag na "kulturang imperyalista." Walang bayonetang nakaamba, maganda dating, parang natural, hindi halata pero nakuha ang resultang ninanais, ang magkaroon ng isip Dayuhan, isipang panig sa dayuhan.

Isa pa. Dahilan dito, hindi uso ang magsalita sa sariling wika. Walang class. Kaya pa-class lahat. Kung hindi ka makapag-Ingles, tupi ka, walang tiwala sa sariling kakayahan, andar ng isipan; bakya ka kasi. Lahat nayang nasa isipan at pagkilos natin, naging resulta ng pagka isip Ingles, isip Dayuhan. Kaya sinasabi na "damaged culture" tayo. Kaya hindi tayo respektado ng kapwa Asiano. Napapaligiran tayo ng mga kalapit bayan na Asiano pero gusto nating ipagyabang na Westernized kuno tayo, Kristiyano kuno tayo, pero mukha ba tayong hindi Asiano/Malayan? Hindi natin mismo alam kung ano at sino tayo. Kaya tuwa ang Kano at ibang dayuhang nasa inang Bayan. Habang tayo tayo'y nagkakagulo, nagpapatasan ng ihi, nagpaparetoke at iba pa, sinasamantala nila ang inang Bayan.

Ang mga ibang bansang Asiano gaya ng Malaysia, Indonesia, Vietnam, Korea, Tsina (at iba pang bansa kahit saan) ay sinakop din ng mga dayuhan, pero ang kanilang edukasyon ay sa sarili nilang wika, ke pulitika, bisnes o siyensiya at iba pa ang pagaaralan, paguusapan o susulatin. Kaya ang KARAMIHAN sa kanilang bansa ay may NASYONALISMO.

Pero tayo, sa loob ng sariling bayan nagpupumilit mag Ingles, mas gustong magsalita ng Ingles, kumanta ng Ingles, sumulat sa Ingles at iba pa. Alam naman natin, lalo na yung mga tumitira sa ibang bansa -sa ating idolo na Amerika, hindi ka naman kikilalanin na Kano, kahit me greencard o citizen ka na. Hindi naman tayo talagang Kano o magiging mukhang Kano, ke mag-dye o magparetoke tayo.

Teka, kalimutan at pabayaan na natin yong mga umalis o aalis o todo ng tinalikuran ang Bayan.

Ang importante ay yong mga hindi makaalis, lalo na yong mga 80 milyon na maiiwan o kaya puwedeng makaalis pero ayaw umalis at talikuran ang sariling Bayan, ang KARAMIHAN. Ang KARAMIHAN ang dapat magkaisa at maging Makabayan, magkaroon ng nasyonalismo.

Kaya para sila magkaisa at malunasan ang kanilang pagdurusa, kailangan nilang maintindihan ang mga koneksiyon ng ibat ibang problema nila sa Bayan. Para makita nila ang dahilang sakit at hindi ang mga sintomas ng sakit. Para ang tamang gamot ang ibigay. Para magkaintindihan at magkaisa ang KARAMIHAN, kailangang gamitin ang sariling wika, ang wika ng KARAMIHAN.

Hindi kailangang magpalaliman ng sariling wika, o magimbento ng bagong salita. Basta gamitin natin ang madaling maintindihan, ang ginagamit ng KARAMIHAN. Tagalog pero pwedeng Taglish, Spanlog, o Chabakano, Ilokano o Cebuano at iba pa kung kailangan. Basta sariling atin, Pilipino, hindi dayuhan gaya ng Ingles (Intsik, Hapon o Koreano) sa ating Bayan. Kailangang magkaintindihan tayo unang una, hindi ang dayuhan. Magpahinog na sila. Ganoon din naman sila sa kanikanilang bansa. Naiintindihan nila ang Ingles natin, hindi natin maintindihan ang kanilang wika, alam nyo ba? Kaya lumalamang sila sa atin.


Masakit at matagal ang gamot dahil parang kanser ang sakit ng Bayan. Sa katunayan, mas masakit at mas matagal. At gaya ng pinagdaanan ng ibang bansa sa kapaligiran, radikal ang gamot para magkaroon ng pagkatataon ng pagbabago para sa KARAMIHAN. Pero kung nagkakaintindihan, ang direksiyon ng patutunguhan ay mulat at buong pusong pupuntahan.....

Ating paguusapan ang mga dapat malaman at gawin.....

At gaya ng dati, ang mga tugon nyo ay nakakatulong lalu na sa bagitong ito.....Salamat sa pagbasa.


"Upang maitindig natin ang bantayog ng ating lipunan, kailangang radikal nating baguhin hindi lamang ang ating mga institusyon kundi maging ang ating pag-iisip at pamumuhay. Kailangan ang rebolusyon, hindi lamang sa panlabas, kundi lalo na sa panloob!" --Apolinario Mabini, La Revolucion Filipina (1898)

12/08/2005

Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog
Andres Bonifacio


Itong Katagalugan, na pinamamahalaan nang unang panahon ng ating tunay na mga kababayan niyaong hindi pa tumutulong sa mga lupaing ito ang mga Kastila, ay nabubuhay sa lubos na kasaganaan, at kaginhawaaan. Kasundo niya ang mga kapit-bayan at lalung-lalo na ang mga taga-Hapon, sila’y kabilihan at kapalitan ng mga kalakal, malabis ang pagyabong ng lahat ng pinagkakakitaan, kaya’t dahil dito’y mayaman ang kaasalan ng lahat, bata’t matanda at sampung mga babae ay marunong bumasa at sumulat ng talagang pagsulat nating mga Tagalog.


Dumating ang mga Kastila at dumulog na nakipagkaibigan. Sa mabuti nilang hikayat na diumano, tayo’y aakayin sa lalong kagalingan at lalong imumulat ang ating kaisipan, ang nasabing nagsisipamahala ay nangyaring nalamuyot sa tamis ng kanilang dila sa paghibo. Gayon man sila’y ipinailalim sa talagang kaugaliang pinagkayarian sa pamamagitan ng isang panunumpa na kumuha ng kaunting dugo sa kani-kanilang mga ugat, at yao’y inihalo’t ininom nila kapwa tanda ng tunay at lubos na pagtatapat na di magtataksil sa pinagkayarian. Ito’y siyang tinatawag na “Pacto de Sangre” ng haring Sikatuna at ni Legaspi na pinakakatawanan ng hari sa Espana.

Buhat nang ito’y mangyari ay bumubilang na ngayon sa tatlong daang taon mahigit na ang lahi ni Legaspi ay ating binubuhay sa lubos na kasaganaan, ating pinagtatamasa at binubusog, kahit abutin natin ang kasalatan at kadayukdukan; iginugugol natin ang yaman, dugo at sampu ng tunay na mga kababayan na aayaw pumayag na sa kanila’y pasakop, at gayon din naman nakipagbaka tayo sa mga Insik at taga-Holandang nagbalang umagaw sa kanila nitong Katagalugan.

Ngayon sa lahat ng ito’y ano ang sa mga ginawa nating paggugugol ang nakikitang kaginhawahang ibinigay sa ating Bayan? Ano ang nakikita nating pagtupad sa kanilang kapangakuan na siyang naging dahil ng ating paggugugol! Wala kundi pawang kataksilan ang ganti sa ating mga pagpapala at mga pagtupad sa kanilang ipinangakong tayo’y lalong gigisingin sa kagalingan ay bagkus tayong binulag, inihawa tayo sa kanilang hamak na asal, pinilt na sinira ang mahal at magandang ugali ng ating Bayan; iminulat tayo sa isang maling pagsampalataya at isinadlak sa lubak ng kasamaan ang kapurihan ng ating Bayan; at kung tayo’y mangahas humingi ng kahit gabahid na lingap, ang nagiging kasagutan ay ang tayo’y itapon at ilayo sa piling ng ating minamahal ng anak, aswa at matandang magulang. Ang bawat isang himutok na pumulas sa ating dibdib ay itinuturing na isang malaking pagkakasala at karakarakang nilalapatan ng sa hayop na kabangisan.

Ngayon wala nang maituturing na kapanatagan sa ating pamamayan; ngayon lagi nang gingambala ang ating katahimikan ng umaalingawngaw na daing at pananambitan, buntong-hininga at hinagpis ng makapal na ulila, bao’t mga magulang ng mga kababayang ipinanganyaya ng mga manlulupig na Kastila; ngayon tayo’y nalulunod na sa nagbabahang luha ng Ina sa nakitil na buhay ng anak, sa pananangis ng sanggol na pinangulila ng kalupitan na ang bawat patak ay katulad ng isang kumukulong tinga, na sumasalang sa mahapding sugat ng ating pusong nagdaramdam; ngayon lalo’t lalo tayong nabibiliran ng tanikalang nakalalait sa bawat lalaking may iniingatang kapurihan.

Ano ang nararapat nating gawin? Ang araw ng katuwiran na sumisikat sa Silanganan, ay malinaw na itinuturo sa ating mga matang malaong nabulagan, ang landas na dapat nating tunguhin, ang liwanag niya’y tanaw sa ting mga mata, ang kukong nag-akma ng kamatayang alay sa atin ng mga ganid na asal. Itinuturo ng katuwiran, na wala tayong iba pang maaantay kundi lalo’t lalong kaalipinan. Itinuturo ng katuwiran, lalo’t lalong kaalipustaan at lalo’t lalong kaalipinan. Itinuturo ng katuwiran, na huwag nating sayangin ang panahon sa pag-asa sa ipinangakong kaginhawahan na hindi darating at hindi mangyayari. Itinuturo ng katuwiran ang tayo’y umasa sa ating at huwag antayin sa iba ang ating kabuhayan. Itinuturo na katuwiran ang tayo’y magkaisang-loob, magkaisang isip at akala at nang tayo’y magkaisa na maihanap ng lunas ang naghaharing kasamaan sa ating Bayan.

Panahon na ngayong dapat na lumitaw ang liwanag ng katotohanan; panahon nang dapat nating ipakilala na tayo’y may sariling pagdaramdam, may puri, may hiya at pagdadamayan. Ngayon panahon nang dapat simulan ang pagsisiwalat ng mga mahal at dakilang ani na magwawasak sa masinsing tabing na bumubulag sa ating kaisipan; panahon na ngayong dapat makilala ng mga Tagalog ang pinagbuhatan ng kanilang mga kahirapan. Araw na itong dapat kilalanin na sa bawat isang hakbang natin y tumutuntong tayo at nabibingit sa malalim na hukay ng kamatayan na sa ati’y inuumang ng mga kaaway.

Kaya, O mga kababayan, ating idila ang bulag na kaisipan at kusang igugol sa kagalingan ang atin glakas sa tunay at lubos na pag-asa na magtagumpay sa nilalayong kaginhawahan ng bayan tinubuan.

Source: http://www.angelfire.com/la2/prose/Tagpr.html

12/07/2005

Paciano Rizal: Bayani ng Bayan

Sino nga ba si Paciano Rizal? Ito ang karaniwang tanong ng karamihang mag-aaral ng kasaysayan. Kilala lamang siya bilang nakatatandang kapatid ng pambansang bayaning si Jose Rizal at bilang isang heneral noong panahon ng himagsikan. Ngunit ilan lamang ang nakakaalam ng iba pang tala tungkol sa kanyang buhay. Maging sa Los Banos, kung saan namuhay si Paciano matapos ang himagsikan laban sa Kastila at Amerikano, ay hindi alam na nanirahan siya roon. Dahil sa kakaunti lamang ang nalalaman tungkol kay Paciano, marami ang nagtatanong kung bakit itinuturing siyang bayani ng bayan.

Sa isang panayam noong ika-6 ng Mayo, inilahad ni Prop. Rolando Talampas, dating kasapi ng UP Lupon ng Sentenaryo at guro ng kasaysayan sa UP Manila, ang tungkol sa pagiging bayani ni Paciano.

Ipinanganak si Paciano sa Calamba noong ika-7 ng Marso 1851 bilang pangalawang anak nina Don Francisco Mercado at Do¤a Teodora Alonzo. Sampung taon ang kanyang agwat kay Jose. Ayon kay Talampas, marami ang nagsasabi na si Paciano ay isang taong matapat at may matatag na paninindigang tumupad sa kanyang mithiin. Marami siyang kaalaman kahit hindi niya natapos ang pag-aaral noong kaniyang panahon.

Si Padre Jose Burgos ang naging gabay ni Paciano sa panahon ng kanyang pag-aaral sa Colegio de San Jose at Unibersidad ng Santo Tomas. Likas ang pananaw na liberal, naging biktima siya ng sariling aktibismo. Sa matagal na panahong inilagi niya sa UST ay pinanatili siya sa isang grado o antas dahil sa kanyang mga pagtutol sa pamamaraan ng edukasyon at pagprotesta nang bitayin si Padre Burgos kasama sina Padre Gomez at Zamora.

Si Paciano ay mayroong sariling ambisyon. Kahit na siya ay tinatawag na "maginoong taga-bukid," mababakas ang kanyang kalinangan sa kanyang mga liham kay Jose. Marunong siya ng Kastila, Pranses, Ingles at Latin, at ilang wikang Pilipino.

Dahil sa kanyang naiambag sa paghubog ng katauhan ni Jose Rizal, naniniwala ang ilang historyador na "walang Jose kung walang Paciano." Si Paciano ang nagbigay ng materyal na suporta kay Jose sa kanyang pag-aaral sa Europa. Siya rin ang humikayat kay Jose na gamitin ang pangalang Rizal at mag-aral ng medisina at hindi abogasya. Ang mga pangaral ni Paciano ang naging sandigan ni Rizal upang siya ay maging matatag.

Nagkasundo ang magkapatid na lilisanin ni Jose ang Pilipinas upang maisulat niya, sa pamamagitan ng propaganda, ang tungkol sa masamang pamumuhay sa Pilipinas. Sa misyong ito, si Paciano ang nagtutustos. Nagkaroon din ng pakikibaka si Paciano tungkol sa lupa nang pangunahan niya ang pagtutol sa pamamalakad ng mga prayleng Dominikano sa lupang kanilang sinasaka sa Calamba. Dahil dito ay ipinatapon siya ng Royal Audiencia, ang hukumang Kastila, sa Mindoro.

Matapos ang pagbaril kay Rizal sa Bagumbayan, kaagad na tumungo si Paciano sa Cavite upang umanib sa rebolusyunaryong kilusan at dito'y ginawaran siya ng ranggong heneral. Maraming mga pakikihamok ang kanyang pinamunuan at pinagwagian laban sa mga puwersang Kastila. Tumagal ang kanyang pakikidigma hanggang noong 1899 sa panahon na ng mga Amerikano. Noong taong 1900, siya ay lubhang pinahina na ng malaria at siya'y nadakip ng mga Amerikano sa Laguna. Di nagtagal ay pinalaya siya ng mga Amerikano at noon ay ninais niyang manirahan sa Los Banos bilang isang "maginoong taga-bukid."

Ito ang katauhan ni Paciano na marahil ay noong panayam kay Prop. Talampas lamang natuklasan ng ilan. Mayroong siyang angking katauhang gaya ng mga kilalang bayani sa kasaysayan ng Pilipinas. Nag-alay siya ng talino at lakas sa isang maningning na hangarin. Ito ang mga katangiang taglay ng isang bayani ng bayan.

(Dino P. Dominguita, Office of Public and Alumni Affairs-UPLB

Source: http://www.upd.edu.ph/~up100/abrilmayo/paciano.html

Rizal` s Letter to Father Pastells
Eugene Hessel

Isa sa mahalagang mapansin upang maunawaan ang pananaw ni Rizal sa relihiyon ay ang kanyang pakikipag-ugnayan kay Padre Pablo Pastells S.J., na dating guro nito sa Ateneo de Manila. Ang pag-uugnayan ng dalawa ay tumagal ng mahigit na pitong buwan, na nasimulan nang si Rizal ay nasa Dapitan na. Ang unang sulat, may petsang Setyembre 1, 1892, ay sinulat ni Padre Pastells para kay Padre Obach sa Dapitan.

Lumalabas na nakiusap si Padre Pastells kay Padre Obach upang sabihin kay Rizal na tumigil sa pagiging hibang sa pamamagitan ng paghiling na makita ang kanyang mga gawain sa pamamagitan ng prism ng sarili niyang paghuhusga at pagpapahalaga sa sarili. Umaasa si Padre Pastells na susundin ni Rizal ang kanyang mga payo. Ngunit hindi ito nangyari. Dahil dito ang debate sa teolohiya ay nagsimula kung saan maingat na isinaad ni Rizal ang ilan sa kanyang mga teolohikal na posisyon.

Ang sulatan na ito ay sadyang importante dahil sa mga detalyado at mayroong sistema na diskusyon na pinasok ni Rizal. Isa ring kadahilanan kung bakit ito importante ay sa pagkatawan nito sa mga pinakabago at samakatuwid ay ang mga pinakamature na pagpapahayag ng teolohikal na mga pananaw ni Rizal.

Sa mga pagsusulatan ay ipinapakita ni Rizal na may genuine personal affection siya para sa kanyang dating guro, ngunit kasama rin ang pagtanggi na si Padre Pastells o ang simbahan ay may espesyal o higit na access sa katotohanan kumpara sa kanya. Ang simbahan, ayon kay Rizal, ay hindi nagtataglay ng hindi nagkakamaling paghuhusga sa mga usaping tungkol sa paniniwala.

Ang kalikasan ng awtoridad ng simbahan sa ilang mga sulat isinaad ni Rizal ang kanyang panaaw sa kalikasan ng awtoridad ng simbahan. Sinabi niya na ang lahat ng relihiyon ay sinasabing hawak nila ang katotohanan. Ngunit sa kanilang pagkukunwari maaari silang ihambing sa mga estudyante ng pagpinta na sinusubukang mag-reproduce ng parehong estatwa.

Ang mga kalalabasan ay magkakaiba sapagkat ang punto de vista ay magkakaiba. Dahil walang sinuman ang talagang makapaghuhusga sa mga pinaniniwalaang relihiyon ng isa hanggang hindi nito talagang nararanasan o hindi nito nalalagay ang kanyang sarili sa katayuan o sa katulad na pananaw ng isa. Ang absolute na katotohanan ay imposible sa relihiyon at moralidad.

Ang Katwiran bilang gabay

Binigyan ng espesyal na emphasis ni Rizal ang karapatan ng pribadong paghuhusga sa lahat ng bagay. Ang diyos na mismo ang nagbigay ng sariling kaisipan sa lahat ng tao. Ang kaisipan ay katulad ng liwanag na ibinibigay sa tao para gabayan siya sa landas ng buhay. Sa katwiran, sinabi ni Rizal na “matatag kong pinaniniwalaang may tagapaglikhang nageexist.”

Maaaring magkamali ang katwiran ngunit ang katwiran mismo ang maaaring makapagtama ng sarili nitong pagkakamali. Maaaring makita ng isang tao ang mga bagay na may kinalaman sa kalikasan ng Diyos sa pamamagitan ng pagmamasid sa kanyang mga nilikha, ngunit hindi talaga maaaring malaman ng sinuman ang kalaliman ng being ng Diyos.

Ang konsensya ang nagbibigay ng katwiran, nagbibigay sa isang tao ng insight tungo sa ninanais ng Diyos para sa tao. Kahit na mahina ang pangangatwiran, pagdating sa mga bagay tungkol sa kaalaman sa relihiyon, kailangan nating tanggapin ang paggabay nito sapagkat nagsasalita ang Diyos sa atin sa pamamagitan ng kalikasan, hindi dahil sa mga supernatural na rebelasyon.

Ang rebelasyon ayon kay Padre Pastells

Hindi naman sumang-ayon si Padre Pastells sa mga pananaw ni Rizal na nabanggit sa taas. Sinasabi niyang ang sensya at ang pananampalataya ay dalawang magkaibang kaaalaman na magkaiba ang kaayusan (order) na pinababayaan tayo na magconduct ng pagkamit ng parehong katotohanan sa magkaibang paraan. Hindi sapat ang natural na teolohiya. Kailangan din natin na magamit o gamitin ang katotohanan ng rebelasyon na dumadating sa mga tao sa pamamagitan ng simbahang katoliko.

Sinabi pa niya na hindi tayo nakukuntento sa pag-aaral ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang mga nilikha at sa loob ng sinapupunan ng ating konsensya, nakakarinig tayo ng may irrevocable (invioble) na paniniwala, na nanggagaling sa infalliable na mga labi ng Simbahang Katoliko, ang boses ng Diyos, na nagsasalita ng kaagad sa mga tao sa pamamagitan ng medium na rebelasyon.

Ani pa niya, ang Diyos bilang First Cause, ay nagtataglay lahat ng virtue ng sangkatauhan. Samakatuwid, kung kaya ng tao na magkaroon ng komunikasyon sa isa’t isa, magagawa rin ito ng Diyos sa mas perpekto at pinakamadaling paraan. Anong manner ang pinakamabuti para makipagkomunikasyon ang Diyos kundi sa pamamagitan ng rebelasyon.

Ang rebelasyon ayon kay Rizal at ang konsensya

Hindi tinanggap ni Rizal ang sinasabing rebelasyon ni Padre Pastells. Ang pinaniniwalaan niya ay ang nabubuhay na rebelasyon ng kalikasan na pumapaligid sa atin kahit na saan. Sa powerful, incessant, incorruptible, clear, distinct and universal na boses katulad ng sa isa kung saan umaapaw ang lahat ng ito. Sa rebelasyon na nagsasalita sa atin at kumakalat sa ating pagkatao mula kapanganakan hanggang kamatayan.

Sa pagsasabi na ang Diyos ay nagsasalita sa atin sa pamamagitan ng kalikasan na iniinterpret ng katwiran, hindi isinantabi ni Rizal ang karagdagang testimonya ng konsensya.

Ang konsensya ay hindi lang tinukoy ni Rizal bilang ang testimonya ng kalikasan at existence ng Diyos kundi tinukoy rin ito bilang medium ng Diyos sa pagbubunyag ng kanyang will sa atin. Hindi itinatanggi ni Rizal na may mga precepts ng absolute necessity at usefulness na hindi maliwanag na ipinapahayag ng kalikasan, ngunit inilagay ito ng Diyos sa puso ng mga tao, sa kanyang konsensya, ang pinakatemplo ng Diyos. Dahil dito, mas pinupuri ni Rizal ang mabuti at provident na Diyos na ito.

Ang Diyos na siyang nagbigay ng lahat ng ating kinakailangan upang iligtas ang ating mga sarili at siyang ipinagpapatuloy na buksan sa atin ang libro ng kanyang rebelasyon kasama ang kanyang pari na walang humpay ang pagsasalita sa atin sa pamamagitan ng boses ng konsensya.

Ang Diyos na ating nalalaman na nag-e-exist at siyang lumikha ng tao na may kabuluhan ay kinakailangan na nagbigay sa tao ng natural na paraan ng pag-alam at pagpapatupad ng kabuluhan na ito. Dahil nilikha niya ang tao sa mabuting kadahilanan at wala nang gagandang gabay pa para malaman ito kundi ang konsensya. Ang konsensya na naghuhusga ng mga akto. Magiging inconsistent ang Diyos kung hindi niya bibigyan ng gabay ang tao upang malaman ang kanyang kadahilanan.

Ang doktrina ng simbahan
Ang pundasyon ng simbahan ay nasa puso ng mga tao, sa imahinasyon ng multitude, sa attachment ng mga kababaihan hindi nasa pope, kay Pedro o kay Kristo mismo na ayon sa orthodox ang mga pangaral ang siyang naging pundasyon ng simbahang Romano Katoliko.

Hindi rin maaari na amg literally interpreted na bibiliya ang maaaring pumalit sa infalliable na simbahan, dahil sinabi ni Rizal na ang bibiliya ay maraming kontradiksyon, ang mga kontradiksyon sa mga genealogy nito sa mga Gospels at ang fact na si Kristo ay sinabing gumawa ng isang himala sa isang kasal sa Canaan kahit na sinabi rin niya na hindi pa dumadating ang kanyang oras.

Kalikasan ng Diyos at ang relasyon niya sa mundo
Nirerefer ni Rizal na ang Diyos ang siyang tagapaglikha, ang first cause, na itinutulak sa atin ng resonableng pagtingin sa mundo. Sinasabi rin ni Rizal na ang Diyos ay walang hangganang matalino, perpekto at mabuti, dagdag pa niya, siya ang pagmamahal, glory, eternity at providence. Pero ang mga attributes ng Diyos ay kumakatawan sa mga pananaw ng tao na nagkakamali. Ang Diyos sa kanyang esensya ay di malalaman kailanman.

Tinitingnan din ni Rizal ang Diyos hindi lang bilang ang Manlilikha kundi isa ring providential ruler. Mayroong pangkalahatang plano kung saan ang lahat ng buhay kasama ang mga effort ng tao ay sumasakto. Ito ay bilang sagot kay Padre Pastells na nagpakita ng panghihinayang na hindi nagdevote si Rizal sa mas mabuting cause. Sumagot si Rizal na naniniwala siya na ang cause niya ay ang mas madagdagan ang kanyang talento upang makapagbigay siya ng mas mabuting serbisyo. Dagdag pa niya “ngunit siyang nagordain sa akin ay alam ang hawak ng hinaharap.

Hindi siya makagagawa ng kahit anong pagkakamali sa kanyang mga akto. Alam niyang masyado kung para saan ang kahit na pinakamaliit na bagay.” Sa totoo lang, ang kasaysayan ng tao ay talagang nasa ayos na, ang sangkatauhan ay kailangang gumalaw steadily forward sa kanyang nakatalagang goal. Ang progreso ng sangkatauhan ay maaaring maobserbahan at ito ay siyang maaari nating gawing basehan para sa ating paniniwala at pagtitiwala sa Diyos.

Nilinaw ni Rizal na hindi niya tinatanggap ang kahit na anong anyo ng himala, kasama na ang himala ni Kristo, dahil nararamdaman niya na kung ang Dyos ay isang mabuting tagapamahala hindi niya kailangan isuspend ang kanyang mga laws upang sa gayon ay makapamahala ng mabuti Ang Diyos ay hindi babaguhin ang mga natural na pangyayari para lamang dinggin ang mga panalangin ng tao.

Mataas na pagtingin sa kakayahan ng tao
Kay Rizal ang tao ay ang obra maestro ng mga nilikha, perpekto sa loob ng kanyang sphere. Para sa kanyang gabay binigyan siya ng Diyos ng lampara ng pangangatwiran. Pero ang pinakamagandang pag-aari niya ay ang kanyang ‘pagmamahal sa sarili (pagpapahalaga sa sarili), kung gagabayan ng tao ang kanyang sarili gamit ang liwanag na ibinigay ng Diyos, maliligtas sila, pero hindi sinabi ni Rizal kung ang salvation ay lumalampas dito sa mundo. Mag-aakala ang isa na sa mga sulat ni Rizal, iniisip niya ang salvation, ang paggawa ng makabubuti para sa sarili na may pananaw ng pagsasakatuparan ng pwesto ng isa sa pagsulong ng humanidad. Para kay Rizal ang ibig sabihin nito ay ang devotion sa welfare ng bansa.

Lumalabas na ang pinakapunto na gusto niyang liwanagin ay ang pagkakaroon ng tao ng katwiran para magamit sa kanyang pamumuhay ng kanyang buhay at hindi na kailangan ng panlabas na tulong galing sa authoritarian sources.

Si Hesus
Sa isang paragraph lamang nabanggit ni Rizal si Hesus at para sa kanya si Hesus ay isang tao lamang. Nagtanong siya, “sino ang namatay sa krus? Iyon ba ay ang tao o ang Diyos? Kung iyon ay ang Diyos, hindi ko maintindihan kung bakit ang Diyos, na alam ang kanyang misyon, ay maaaring mamatay. At hindi ko rin maintindihan kung bakit masasabi niya ang kanyang mga nasabi dahil ang mga katagang iyon ay ng sa isang tao lamang. Iyon ay iyak ng isang tao na may faith sa hustisya at kabutihan ng kanyang cause. Para sa akin, ang Kristong tao ay mas mahigit kaysa sa Kristong Diyos.

Para kay Rizal ang mga teachings ni Hesus ay hindi totoo dahil sila ay itinuro nito sa halip sila ay totoo sapagkat sila ay reasonable at sumasakto ng mabuti kung ano ang sinasabi ng ating konsensya. Higit sa lahat, isinasabuhay sila ni Hesus kahit ano pa man ang kapalit.

Pananaw na protestante
Itinatanggi ni Rizal na mayroon siyang pananaw na protestante. Taliwas sa sinasabi ni Padre Pastells na siya raw ay nagkaroon ng liberal at protestante na mga pananaw habang siya ay nasa Aleman. Inaadmit naman ni Rizal na siya ay naimpluwensyahan ng kalayaan, kasipagan at magandang gobyerno doon lalo na kung ikukumpara ito sa kondisyon ng kanyang sariling bansa pero itinatanggi niya na nag-absorb siya ng pananaw na protestante.

Pero nagmamanifest si Rizal ng pagkakaunawa ng ilang aspeto ng Protestantism. Una sa lahat, si Rizal ay pumapayag na mamuhay kasama, malayang makiassociate, at makipagtalastasan tungkol sa mga katanungan sa relihiyon sa isang may ibang faith.

Pagsusuri
Dalawang bagay ang sa tingin ko ang nakaapekto sa pag-iisip at pananaw ni Rizal sa relihiyon. Ang una ay ang mga nangyari sa kanya o ang mga nangyari sa bansa dahil sa pananakop ng Espanya, ang paghahari-harian ng mga prayle. Ang pangalawa naman ay ang pakikipagtalakayan niya sa mga pari at sa ibang tao na may ibang paniniwala habang siya ay nasa Aleman.


Source: http://www.freewebs.com/pi100/pastels1.htm

ISANG MALAYANG PALAISIP
Jose Rizal

Sa boong buhay ko'y hindi pa ako nakakakita ng isang taong napakakamuhi-muhi nagaya ng isang malayang palaisip.

Sapul sa aking kamusmusa'y kinatakutan ko na siya at sa pagbibinata ko'y nakapanghilakbot sa akin. Ngayon, hindi ko malaman kung ano ang iisipin ko sa kanya.

Nang kami'y bata pa, kami'y nahirating pagpakitaan sa ilalim ng ngalang ito ng isang taong sinumpa ng aming banal na Relihiyon o kung hindi man, ay ng aming mga pari, isang kaluluwang inaalihan ng demonyo, sa dahilang hindi umiisip ng gaya namin, ni gaya ng mga kinatawan ng aming Diyos. Nang nagbibinata na, nang katatalikod pa lamang namin halos sa mga larong pambata at sa kandungan ng aming ina, at iwan namin ang mga saranggola at mga kabayong kahoy, upang pakipagtalunan ang mga simulaing walang hanggan ng malinis na kaugalian, upang arukin ang kailaliman ng kaluluwa, upang maglahad at magpasinungaling sa iba't iabng pamamaraan ng pilosopiya, upang makapasok sa mga di-madalumat na dawag, na marahil ay maligoy, ng metapisika at pinangungunahan ng mga bihasang kamay, ay nakarating kami hanggang sa paglutas ng lahat ng kahiwagaang nakalatag sa landas ng buhay; nang, taglay ang pananampalataya sa kaluluwa, ang pag-ibig sa puso at ang pagtitiwala sa aming buong pagkatao, ay tinatanggap namin nang walang katutol-tutol ni pag-aalinlangan, nang walang sapat na pakikipagtalo ni pasubali, ang lahat ng sinasabi sa amin ng mga daakilang guro namin, ang lahat nang ipinakikilala sa aming bilang aral na dapat sampalatayanan at di-namamali; sa gayon, puno ng liwanag at sigasig na makarelihiyon, aay dinapuan kami ng panghihilakbot sa mga tupanng yaong naliligaw, na nakikilala sa tawag na malayang palaisip o may malayang kaisipan.

Mga palalo! -- ang wika namin sa kanila; -- mga kaluluwang walang laman at walang kapararakan, na walang tinatanggap maliban sa ipinakikilala ng inyong katuwiran; na nagmamatuwid nang hindi nanghahawak sa mga banal at nakapagpapalakas na simulain namin; kayong mga hamak ang pang-unawa, maikli ang isip, hindi ninyo nababatid ang aming mga nagniningning na pananalig, ay! sa aba ninyo!

At sa gangyang napakalaking pagkaawa at pagmamatuwid ay nakikita namin silang pinarurusahan nang walang katapusan. Palibhasa'y wala kaming minamagaling kundi ang sarili lamang, gaya ng nararapat, sa lahat ng kasang-ayon ng katotohanan, na hindi maaari kundi iisa lamang, at ang lahat ng iba pa'y pawang kasinungalingan, kami'y lumalayo sa pgkahawa sa kanila, kami'y umiilag sa pakikiharap sa kanila, kami'y nagpipikit ng mata at nagtatakip ng tainga sa mga katha at ang salita nila.

Hindi ko tinutukoy dito yaong mga malayang palaisip dahil sa pagkahawa, sa pagsunod sa panahon, sa panggagaya o sa hawig; hindi; ang mga pagtutol at pagmamatuwid ng mga ito'y masisira namin sa dalawa o tatlong pagtatangi-tanging hindi nila karaniwang nasasakyan, at sila'y aming mapaababalik na parang maaamong tupa sa aming bakuran, at sila'y mga kaibigan ding gaya ng dati. Ano ba ang magagawa nila sa amin, sa kami'y pinasuso ng katas ng pilosopiyang eskolastiko. Mga katoliko sapul sa ikalimang taong gulang, mga pilosopo sa ikalabing-apat, metapisiko sa ikalabinlima, at mga teologo sa ikalabing-anim, mga bagong David kaming nakapagpapabuwal ng mga Goliat na iyan nang napakadali, na ikinapapatunganga ng mga matatandang babae sa karunungan namin.

Hindi; hindi ko tinutukoy ang mga gayong malayang palaisip; hindi sila nararapat pagkaabalahang pakipagtalunan ninuman. Ang tinutukoy ko'y yaong mga taong binitiwan ng kamay ng Diyos, na nagmamatigas sa kasamaan, na nagpipikit ng mga mata sa liwanag, yaong mga nananalig sa kanilang sinasabi, na matamang nakapagwawari-wari at namamatay sa kahuli-hulihang di-pagsisisi, gaya ng sabi ng aking guro. Ay! may mga mata sila'y hindi nakakakita; may mga pandinig sila'y hindi nakakarinig; ang puso nila'y parang batong hindi maaaring tamnan ni tubuan ng anuman.

Nagkaroon ako ng malungkot na kapalarang makakilala ng isa sa mga sawimpalad na ito, at bagaman sinikap kong lubos na siya'y mapagbalik-loob, ito'y hindi ko natamo.

Ang aking bantug na manggagamot, na tinatawag na dalubhasa ng kanyang mga kasama, ay isang taong malalim at malawak aang kaalaman sa iba't ibang sangkay na bumubuo ng agham ng sangkatauhan. Habang wala ssiyang ginagawa kundi ang ipaliwanag sa akin ang araling itinuturo niya, siya'y hinangaa't pinagyukuan ko ng ulo; datapuwa't buhat ng sandaling siya'y manghimasok sa lupain ng pilosopiya at relihiyon ayhindi ko na siya pinakikinggan at tinawanan ko na lamang ang mga pagpapaliwanag niya.

Gayon ma'y tila may katuwiran siya; napakaliliwanag ng kanyang mga pagpapatunay at napakabibigat ng kanyang mga pagmamatuwid. Datapwa't palibhasa'y nasanay ako sapul pa ng aking kamusmusan, hindi ako nahulog kailanman sa gayong mga mapanlinlang na anyo ng diyablo, at inilalaban ko sa pangyayari ang pananampalataya, sa pagmamatuwid ang aral ng simbahan, at kailan ma'y hindi ako kinulang ng pagkakataong makapagsingit ng isnag pagtatangi na lubos kong ikinasisiya.

Bukod sa lahat ng ito, ang manggagamot na si L. ay may kaugaliang walang pagmamarangya nguni't hindi magaspang, mga kilos na likas at karaniwan, nguni't hindi kulang sa pagpipitagan, at ikinalulugod niya ang pakikipag-usap sa amin, ang pakikipagtalo maging sa pilosopiya nguni't kailan man ay hindi niya dinala ang panunuligsa sa aming pananampalataya; manaka-naka'y ipinaliliwanag ang sariling kuru-kuro niya, nguni't lagi namang pinakukundanganan ang mga pala-palagay ng iba. Kaya nga, kung siya lamang ay hindi natagpuan naming lalo pang maka-kalayaan kaysa inaakala naming nararapat, siya'y napamahal sana sa amin; datapuwa't palibhasa'y kaaway siya ng aking Diyos, siya'y nararapat ding maging kaaway ko.

Sa pagkamalas kong ang kaluluwang yaong lubhang mahalaga at mulat ay mapapahamak na walang pagsala kung sa pagkukulang ko ng pag-ibig kristiyano, ay hindi ko marapating turuan siya tungkol sa tunay na relihiyon, papaglagusin sa kanyang nadirimlang pag-iisip ang ilang sinag ng liwanag, nagtika akong matibay na siya'y papagbalikin ng loob, siya'y bahaginan ng mga katotohanang nag-uumapaw sa aking isip at sa aking puso.

At sa gayo'y sinamantala ko, isang araw na siya'y lubhang namamanglaw, na siya'y lapitan ko upang makipagtalo sa kanya at nang mapabalik sa mabuting landas. Kapag ang mga sakit ay tumataos sa kaluluwa, ito'y tandang ninanais ng Diyos na ang kaluluwang yao'y mahanda para sa mabubuting bagay. O gaya ng sinasabi ng isang dakilang mangangaral na dominiko na kinalulugdan ko nang ako'y bata pa: "Kapag ang malamig na ulan ng mga luhang makalangit ay pumapatak sa lupang tigang ng baog na puso't kaluluwa, ang mga patak ng biyaya'y nagpapataba sa lupang tinigang ng init ng impiyerno, at sa gayon, ang taga-hasik ng Simbahan ay maaaring makapagtanim sa mga nadilig na linang na yaon ng binhing maka-Diyos ng mga kautusan ng ating Banal na Inang Simbahan."

Ako'y naaaliw na ng kaisipang makapagpapabalik-loob ako saa isang dakilang tao, at dahil dito'y magiging marapat akong mapatawad sa mga kasalanan ko; kaya nga, nang siya'y matagpuan ko, isang araw na nag-iisip nang malalim, sa kanyang halamanan, ay nilapitan ko siyang taglay ang balak na kayagin ko siya sa isang pagtatalo hinggil sa mga bagay na nauukol sa Diyos.

-- Aba! --ang naibulalas niyang angkin ang katutubong katamisan sa pakikipag-usap, nang ako'y makita niya --napapanahon ang pagkakaparito ninyo; tingnan ninyo ang sangang itong idinugtong sa ibang punungkahoy kung paano ang ginawa ng kalikasan…kahanga-hanga halos.

At siya'y nag-isip ng malalim.

--Ang Diyos ang ibig ninyong sabihin-- ang nagmamadali kong pagwawasto sa kanyang sinabi.
--Maging ang Diyos o maging ang kalikasan, kaibigan, sa akin ay iyon din -- ang itinugon niyang may malungkot na ngiti -- Nababatid ninyong mabuti na isa sa maraming pagpapakahulugan ng mga pilosopong eskolastiko sa salitang lating natura (kalikasan) ay Deus (Diyos). Sa anu't anuman, hindi ako nanghihimasok na makialam kung ang Diyos din ang gumagawa diyan o ang kalikasang itinalaga ng Diyos. Datapuwa't iwan natin ito, na isang suliraning tigang at walang anuman tayong makukuhang maliwanag; ang pag-usapan natin ay kayo.
--Huwag, huwag--aniko--bagkus pa nga'y ito ang dapat nating pag-usapan: ito'y isang pag-uusap na lubha kong ikinalulugod sapagka't marami akong natutuhan at pinatitibay ako sa aking mga pananalig.

Malungkot siyang ngumiti at sumagot.
--Isaysay ninyo sa akin ang anumang bagay na may kinalaman sa inyong bansa, na ibig na ibig kong makita, at gayon man, sa palagay ko'y mamamatay ako nang hindi ko makikita. Sa aking gulang…
--Sa inyong gulang--ang salo ko--ay hindi na kayo nararapat mag-isip pa ng mga paglalakbay; may isang paglalakbay na nararapat ninyong pagkaabalahang lalo, at ito ang ating pag-usapan.
--Ang paglalakbay bang iya'y nagawa na ninyo kailan man?-- ang tanong niya na nahulaan ang ibig kong tukuyin.
--Hindi pa, nguni't ang iba'y nakagawa na niyaon, gaya rin ng gagawin nating dalawa.
--Natitiyak ba ninyo?
--Lubhang natitiyak ko.
--Nguni't paano ninyo nalalamang ang paglalakbay na iya'y ginagawa? Sino ang nagsabi sa inyo?
--Paano? Sino?…sino pa kundi ang ating banal na Inang Simbahan.
--At sa simbahan, sino ang nagsabi ng gayon?
--Si Hesukristo, sa kanyang mga Ebanghelyo.
--Sino ang may katha ng Ebanghelyo?
--Ang mga apostoles.
--Natitiyak ba ninyo?
--Mangyari pa! Bukod dito…

--Magaling binabati ko kayo kung natitiyak ninyo; higit pa sa riyan ay hindi na makahihingi sa inyo ang Diyos, sa dahilang kayo'y gumagawa alinsunod sa inyong iniisip; kayo'y umiisip alinsunod sa inyong pananampalataya, at kayo'y sumasampalataya alinsunod sa inyong budhi. Ang Diyos ay hindi humihingi ng di-mangyayari. --At matapos tingnan ang kanyang orasan ay inanyayahan akong sumalo sa kanya, sapagka't oras na noon ng pagkain.

--Napagkilala kong siya'y umiiwas sa lahat ng pakikipagtalo. Sa pagnanasa kong siya'y huwag mayamot, ay ipinagpaliban ko para sa ibang araw ang pagpapabalik-loob atr inaasam-asam ko ang lalong mabuting kapalaran.

Ang lalong nakapagpapalakas ng aking loob sa gawaing isinabalikat ko'y ang pagkapansin ko na siya, bukod sa matuwid na patakaran hinggil sa kagandahang-asal, ay mayroon pang katutubong pagkakahilig o isang uri ng pagkakabuhos ng loob sa aming banal na relihiyon. Ang kanyang asawa at anak na babae'y mga katoliko, nakikinig ng misa, nagkukumpisal, nakikinabang, at nangingilin tuwing ito'y iniuutos ng Simbahan. Sa ganang kanya, bagama't siya'y hindi tumatanggap ng mga sakramento, ang pamumuhay naman niya'y sapat na uliran, wala siya ng anumang bisyo; gumagamot siya ng walang bayad sa mga mahihirap na binibigyan pa niya ng gamot, namumudmod siya ng mga limos, at hindi siya narinig na umupasala kailan man sa kaninuman, kahit na sa pamahalaang maaaring siyang lahat ng bagay na maaaring masabi.

--Totoong kahina-hinayang-- ang nasasabi kong madalas sa aking sarili-- na ang gayon karaming kabutihan ay mawalan ng kabuluhan at ang gayon na kalawak na karunungan at gayon kalaking pagpapakahirap ay humantong sa impiyerno!-- Sa katunayan, siyaa'y hindi ko nalilimutan sa aking mga panalangin, bagay na marahil ay nakatutulong pa sa pananatili niya sa gayong kalagayan.

Gaya ng aking sinabi, siya'y may isang anak na dalagang napakabait, maganda at napakamagiliwin.

Palibhasa'y nabuo na sa aking loob ang pagiging anino niya, ipinasiya kong lumigaw sa kanyang anak na dalaga upang sa ganitong paraa'y magkaroon ako ng maraming pagkakataong makipag-usap at makipagkita sa kanya sa kanyang tahanan, at baka kung magkatuwang kami ng kanyang anak ay maakay namin siya sa mabuting landas.

Sasabihin ninyo sa aking ang landas na pinili ko ay may kahabaan; marahil ay may katuwiran kayo, nguni't yao'y siyang lalong tiyak. Ang lahat ng ito'y alang-alang sa pag-ibig sa Diyos!

Lumigaw nga ako sa kanyang anak na babae; datapuwa't itinadhana ng Diyos, upang aako'y subukin, marahil, na ang pag-ibig ko'y huwag niyang tanggapin, bagama't madalas kong iginiit sa kanya ang aking pag-ibig, madalas ko siyang dalawin, at madalas kausapin tungkol sa kalangitan at sa aking mga pag-asa. Dumating ang isang sandaling inakala kong ang diyablo, sa takot nitong matupad ang aking balak, ay humadlang, sa pamamagitan ng lahat ng kaparaanang maaaring gawin sa aking mga banal na hangarin, nguni't sa sandaling pagwawari-wari'y naunawaan kong hindi maaari ang gayon dahil sa katuwirang sumusunod. Ang diyablo, na napakamapaglalang, napakamanunukso, aay dapat sanang tumulong sa pag-iibigan namin, upang pagkatapos ay libangin ako, ilayo sa aking landas at patahakin ng ibang daan.

Sa pananalig ko, samakatuwid, na ang lahat ay kalooban ng Diyos, lalo't lalo akong sumigla sa paniniwalang ang bagay na yao'y tandang nagpapakilala na ang lahat ng aking ginagawa ay kalugud-lugod sa kanyang mga mata.

Sinamantala ko ang lahat ng pagkakataon upang makipagtalo sa kanya, at dahil sa siya'y lubhang maalam ng mga Banal na Kasulatan, ng mga Ebanghelyo at iba't ibang kinatha ng mga"santos padres," aay kinailangan ko ring mag-aral ng mga batayang ito ang ating Relihiyon upang huwag akong maiwan sa huli.

Hindi niya tinatanggap ang aral-kristiyano. Kinausap ko siya tungkol sa apat na impiyernong nasa gitna ng lupa sang-ayon kay Pari Astete at ako'y nginitian niya bilang katugunan. Tungkol sa mga ibang bagay, walang anuman siyang itinatanggi, datapuwa't hindi naman niya sinasang-ayunan ang lahat ng sinasabi ko.

Isang araw ay tinanong ko siya kung tayo'y may kaluluwa at kung ito'y kanyang pinaniniwalaan. Sinagot niya ako--Iyan ba'y pinaniniwalaan ninyo?

--Opo, ako'y naniniwalang may kaluluwa at kung paanong ito'y nabubuhay at kung bakit nabubuhay.
--Napakabuti, kung gayon-- anya, at ako'y kinausap hinggil sa mga ibang bagay.

Datapuwa't minsan ay sinabi niya sa silid aralan na palibhasa tayo'y walang tiyak na kaalaman kung anong talaga ang bagay na nadarama (materia), hindi natin nasasaklawan ang mga katangian nito, kaya hindi natin maaaring itanggi sa kanya ang mga katangiang hindi natin nalalaman kung sa anong uri ng nilikha lamang maiuukol.

Sa ibang pagkakataon ay sinabi niyang ang tao'y nakauunawa ng mga kaisipan sa iang paraang nadarama at lagi nang sa ilalim ng isang kaanyuan, at ang tao'y walang tiyak na pagkaunawa kung ano ang kawalang hangga, at ang lahat nang kanyang nagugunita o nabubuo sa pangunawa ay may pagkakatulad sa mga bagay na nasa labas.

Minsan, dahilan sa isang dakilang pangyayari ay sinabi niya sa gitna ng malaking kasiglahan na ang tao, upang mapanagot sa kanyang mga gawa, upang maging karapat-dapat sa gantimpala o parusa, ay nararapat gumawa, alinsunod lamang sa kanyang budhi't pagkaunawa, nang hindi napatatangay sa kuru-kuro ng iba, sa dahilang sapul sa sandaling siya'y gumawa dahil sa lakas ng iba, ay nawawala sa kanya ang katangiang pagkamalaya at siya'y hindi gumagawa alinsunod sa kanyang sarili bagkus pa nga'y alinsunod sa iba. Datapuwa't pinaninindigan niyang ang budhi'y nararapat maging mulat, at maligtas sa anumang sukat makalpilit sa kanya. Sinabi rin niyang ang Diyos ay hindi humihingi sa tao ng isang di-mangyayari, at sa dahilang ito'y hindi siya nag-uutos na makitang puti ang itim o itim ang puti. Kung sinasabi ng aking pagkaunawa na ang isang bagay ay nararapat maging gayon, hindi ako dapat maniwalang maging kaiba; ang ako'y mangatuwiran nang higit o kulang sa kaliwanagan, ay hindi nauukol sa akin; ako'y walang tungkuling maging pantas kundi isang taong may budhi at may pananalig; gayon ma'y hindi ko iniwawaksi ang liwanag kailan ma't ito'y makatatanglaw sa akin.

Napapansin kong bahagya nang nakaiisod sa dalawa kong nilalayon. Maging ang ama't maging ang anak na dalaga'y nananatiling nakatayo at hindi sumusuko. Datapuwa't napansin kong ang ama'y lalu't lalong nagmamatigas sa kanyang mga kuru-kuro at ang anak na dalaga nama'y lumalambot araw-araw bagama't bahagyang-bahagya lamang.

Doo'y nakikita kong maliwanag na maliwanag ang kamay ng Diyos at naaabot ko na halos ang bunga ng gayon kalaking pagpapagod, nang isang araw ay nagkasakit ang ama upang hindi na makabangong muli. Isang binatang manggagamot, na madalas na sa bahay na yaon, ang siyang pinagkatiwalaang gumamot sa maysakit; siya'y nag-aangkin ng malaking kabantugan at pinakukundanganan siya ng maysakit bilang manggagamot at bilang kaibigan. Ipagpaumanhin ninyong sabihin kong ako'y nagpuyat sa tabi ng hihigan ng maysakit ng dalawa o tatlong gabi, akong nag-aabang ng lahat ng sandali upang siya'y kausapin tungkol sa Diyos, maging sa pakikipag-usap sa kanyang anak, na lalong nagiging mapag-isip araw-araw, at lalong magiliwin din sa akin. Ako'y nagmamalasakit nang gayon na lamang dahil sa kanya, sapagka't nakikita ko sa kanya marahil ang pinaka-kasangkapan ng Diyos para sa mga kapuri-puring hangarin; at maaari kong tiyakin sa inyo ang kalinisan ng aking mga kaisipan. Hanggang ako'y nakahandang pakasal sa kanya kung ito'y naging kailangan, at lahat nang iya'y alang-alang sa pag-ibig ko sa Diyos.

Gayunma'y nakikini-kinita ng maysakit na nalalapit na siya sa hukay at ito'y madalas niyang ipahayag. Nagugunita ko pa ang gabing sinundan ng kanyang pagkamatay. Noo'y nagkakatipon kami sa silid-tulugan , siya na nasa kama, ang kanyang maybahay, ang kanyang anak at ako.
Ang maysakit ay maputla, payat, ang pagmumukha'y malungkot at di-sukat malirip. Mahirap ang kanyang paghinga, nguni't kinamamasdan ng isang wari'y himig ng katiwasayang nagbibigay sa kanyang mukha ng katangi-tanging panghalina.

Ang maybahay niyang nakaupo sa isang lukluka'y taimtim na nananalangin sa katahimikan; ang tingin niya'y nakapako sa kanyang asawa, nguni't anong tingin!…Namamalas ditong nagugunita niya ang buong kahapong maligaya…Ni isa mang kurus ay wala.

Ang anak na dalagang dalawang gabi nang hindi nakakatulog ay nakaupong walang kakilus-kilos sa isang malaking silya pinagagalagala ang paningin nang walang anumang bagay na minamalas. Kay ganda niya sa aking paningin, sa kanyang pamumutla at mga matang nagmamakaawa. Kung ang maysakit ay naging katoliko lamang, marahil ay napagkamalan ko siyang anghel na tagatanod, na nagpupuyat sa dakong ulunan ng maysakit upang ipailanlang ang kaluluwa nito sa langit, datapuwa't sa kasawiang palad ay hindi maaaring gayon.

--Hali kayo-- anang maysakit sa mahina nguni't magiliw na tinig--magsilapit kayo: mahahalaga sa akin ang mga sandali…Nalalaman kong nalalapit na ang aking oras at sa loob ng ilang sandali'y makikita ko na marahil ang Diyos at makapapasok sa hindi ko maunawaan kailan man…
--Tunay -- ang nagmamadali kong isinagot-- kayyo'y haharap sa Diyos kaya tumanggap kayo ng mga sakramento.
--Kaibigan ko--ang itinugon niyang kasabay ang bahagyang pagkilos at ako'y tinitigang may pasasalamat--salamat sa inyong mabubuting hangarin; nguni't huwag nating pag-usapan ang bagay ba iyan…ako'y mamamatay na kinakailangan ko ang panahong ito upang maiukol sa aking pamilya.

Ang mga hibik ng ina't anak na kinuyom nang mahabang panahon ay hindi napigilan.
--Bakit? Tumatangis ba kayong nangagsisipaniwala sa kabilang buhay? --ang naibulalas niya-- ako ang nararapat tumangis palibhasa'y hindi ko nalalaman kung anio ang mangyayari sa inyo…
--O! sa bagay na iya'y huwag kayong mabahala--aang maliksi kong ipinutol.
--Ano ang mangyayari sa inyo? --ang patuloy niya--Halika, anak ko, lumapit ka; idaop mo ang iyong mga kamay sa aking mga kamay…nanlalamig…sapagka't nalalapit na ang kamatayan…hindi ko na nararandamang mabuti ang init ng iyong mga palad.
--Tatay…tatay!--ang tumatangis na sigaw ng kanyang anak na nanikluhod.

Ang asawa'y nakaluhod din sa paanan ng hihigan.
--Huwag kayong umiyak…bagkus makinig kayo sa akin…Sa malawak na pag-aalinlangan tungkol sa hinaharap…ngayong kayo'y aking lilisanin, walang ibang bagay na bumabagabag sa akin kundi ang iyong kabuhayan…dinggin mo, anak ko: natatalos kong ikaw ay umiibig, bagama't ito'y hindi mo sinasabi sa akin kailan man, nguni't yao'y alam ko…hindi ba totoo?…kung gayon…
--O, huwag ninyong pagkaabalahan ang bagay na iyan, ama ko…kung siya'y hindi ninyo gusto, hindi ko siya iibigin.
Pumitlag ang aking puso at ako'y lalo pang lumapit upang makarinig na mabuti.
--Hindi, sa paano't paano ma'y hindi-- anang maysakit-- Ikinagagalak ko ang iyong pagpili at ninanais kong ikaw ay pakasal sa kanya.
Maninikluhod na sana ako upang magpasalamat sa kanya, nang sa-bubukas ang pinto at sa -papasok ang manggagamot na balisang-bbalisa. Ang anyo ng silid aay ikinataka niya.
--Hinihintay kita, anak ko--anang maysakit sa kanya--halika, lumuhod ka… sa ganya'y ipinagkakaloobko sa iyo ang aking aanak na dalaga… siya'y gawin mong isang mabuting maybahay…binabasbasab ko ang inyong pag-iibigan.

At siya'y namatay.

Aywan ko kung anong nangyari sa akin; hindi ko na namalayan ang nangyari pagkatapos.

Tuwing ginugunita ko na ang kaluluwang yao'y napariwara magpasawalang hanggan at hindi ko na siya nailigtas…ako, na lubhang nagpagod…ay! ang huli nang di-pagsisisi!

Ang parusang iginawad ng Diyos sa mga malayang palaisip na yaon …Nakapanghihilakbot!

Buhat noon, sa pagkamalas kong ipinagkakait ng Diyos ang kanyang kamay sa mga sawimpalad na ito'y hindi na ako nagtangkang magpabalik-loob sa kaninuman. Mapahamak na sila!

At dahil diya'y kinailangan ko pang lumigaw sa kanyang anak na dalaga!

Source: http://www.geocities.com/cavitesu/malayapa.htm

PAG-IBIG SA TINUBUANG LUPA

Narito ang isang magandang paksa; at dahil din sa kanyang kagandahan ay napakadalas nang talakayin. Ang pantas, makata, makasining, manggagawa, mangangalakal, o mandirigma, matanda o bata, hari o alipin -- ang lahat ay nakapag-isip na tungkol sa kanya, at nakapaghandog ng pinakamahalagang bunga ng kanilang isip o ng kanilang puso.


Buhat sa taga Europang mulat, malaya't mapagmalaki sa kanyang maluwalhating kasaysayan, hanggang sa negro sa Aprika, na hinango sa kanyang mga kagubatan at ipinagbili sa hamak na halaga; buhat sa matatandang bayang ang mga anino'y aali-aligid pa sa kanilang mga mapapanglaw ng guho, libingan ng kanilang mga kaluwalhatia't pagdurusa, hanggang sa mga bansang makabago't lagi ng kumikilos at puno, ng buhay, ay nagkaroon ay mayroong isang pinakamamahal na dilag, maningning, dakila, nguni't walang habag at malupit, na tinatawag na Inang-Bayan.

Libu-libong dila ang sa kanya'y umawit, libu-libong kudyapi ang naghandog sa kanya ng kanilang mga makatang lalong matataas ang pangarap, ang naghain sa kanyang harap o sa kanyang alaala ng kanilang piankamaningning na katha. Siya ang naging sigaw ng kapayapaan ng pag-ibig at ng kaluwalhatian, palibhasa'y siya ang laman ng lahat ng pag-iisip, at katulad ng liwanag na nakukulong sa isang malinis na bubog, siya'y tumatagos hanggang sa labas, na parang mga sinag na buhay na buhay.

At ito ba'y magiging sagwil upang siya'y pag-ukulan natin ng panahon? At tayo ba'y hindi maaaring mag-ukol sa kanya ng anumang bagay, tayong walang ibang kasalanan kundi ang pagkakahuli ng pagsilang sa maliwanag? Nagbibigay ba ang dantaong ika-labinsiyam ng karapatang huwag kumilala ng utang na loob? Hindi. Hindi pa nasasaid ang mayamang mina ng puso; sagana pa tuwina ang kanayang alaala, at bahagya man ang pagkakapukaw ng kanyang alaala, at bahagya man ang pagkapukaw ng ating kalooban, ay makasusumpong tayo sa kaibuturan ng ating kaluluwa na kung di man isang masaganang kayamanan, ay abuloy na bagaman dahop ay puspos naman ng kasiglahan.

Katulad ng mga matatandang ebreong nangag-alay sa templo ng mga kauna-unahang bunga ng kanilang pag-ibig, tayong mangingibang lupain ay nag-uukol ng mga kauna-unahang tinig sa ating Inang-Bayang nababalot ng mga panginorin at mga ulap ng umaga, lagi nang maganda at matulain, at sa tuwi-tuwina'y lalong sinasamba habang sa kanya'y nawawalay at nalalayo.

At ito'y hindi nararapat pagtakhan sa dahilang ang pag-ibig sa inang-baya'y isang damdaming tunay na katutubo; sapagka't naroroon ang mga kauna-unahang alaala ng kamusmusan, isang masamang tulang awitin na ang kabataan lamang ang nakakikilala at sa mga bakas nito'y sumisibol ang bulaklak ng kawalang-malay at ng kaligayahan; sapagka't doo'y nahihimbing ang buong nakaraan at nababanaagan ang isang hinaharap; sapagka't sa kanyang mga kagubatan at sa kanyang mga kaparangan, sa bawa't punungkahoy, sa bawa't halaman, sa bawa't bulaklak, ay nakikita ninyong nakaukit ang gunita ng isang nilikhang minamahal ninyo, gaya ng hininga niya sa mahalimuyak na simoy ng hangin, ng kanyang awit sa mga bulong ng bukal, ng ngiti niya sa bahaghari ng langit,o ng mga buntung-hininga niya sa magulong halinghing ng hangin sa gabi.

Ang sanhi nito'y sapagka't doo'y nakakikita kayo, sa pamamagitan ng mga mata ng inyong gunita, sa ilalim ng tahimik na bubong ng matandang tahanan, ng isang angkang nag-aalaala at naghihintay sa inyo, nag-uukol sa inyo ng mga isipan at mga pagkabalisa nila; sa wakas, sapagka't sa kanyang langit, sa kanyang araw, sa kanyang mga karagatan at sa kanyang mga kagubatan ay nakakatagpo kayo ng tulain, ng paggiliw at ng pag-ibig, at hanggang sa libingan na ring pinaghihintayan sa inyo ng isang abang puntod upang kayo'y isauli sa sinapupunan ng lupa.

Mayroon kayang isang kadiyusang nagtatali ng ating mga puso sa lupa ng ating inang-bayan, na nagpapaganda't nagpaparilag sa lahat, naghahandog sa atin ng lahat ng bagay sa ilalim ng isang anyong matulain at malambing, at nakararahuyo sa ating mga puso? Saapagka't sa papaano mang anyo humarap siya, maging nararamtan ng matingkad na pula, napuputungan ng mga bulaklak at laurel, makapangyarihan at mayaman; maging malungkot at nag-iisa, nababalot ng basahan, at alipin, nagmamakaawa sa kanyang mga anak na alipin din; maging anaki'y diwata sa isang halamang maalindog, naliligid ng mga bughaw na alon ng karagatan, nakahahalina at marikit, gaya ng pangarap ng napaglalalangang kabataan; maging natatakpan ng isang lambong ng yelo, nakaupong malungkot sa mga dulo ng daigdig, sa silong ng isang langit na walang araw at walang tala; maging anuman ang kanyang ngalan, ang kanyang gulang o ang kanyang kapalaran, siya'y lagi na nating minamahal, gaya ng pagmamahal ng anak sa kanyang ina sa gitna ng gutom at ng karalitaan.

At bagay na kataka-taka! Habang siya'y lalong aba't kulang-palad, habang lalong nagdurusa nang dahil sa kanya, ay lalo naman siyang sinasamba hanggang sa nagtatamo ng kaligayahan sa pagtitiis ng dahil sa kanya. Napansing ang mga naninirahan sa mga bundok at sa mga di-linang na kaparangan, at yaong mga isinilang sa lupang tigang o mapanglaw, ay siyang nag-aangkin ng lalong buhay na alaala ng kanilang bansa, at walang nasusumpungan sa mga lunsod maliban sa malabis na pagkainip na siyang pumipilipit sa kanilang magbalik sa kanilang tinubuang lupa.

Ito kaya'y dahil sa ang pag-ibig sa inang-baya'y siyang pinakawagas, pinakamagiting at pinakadakila? Ang pagkilala kaya ng utang na loob, ang pagkalugod sa lahat ng nakapagpagunita ng ating mga kauna-unahang araw, ang lupa kayang kinahihimlayan ng ating mga nuno, ang templong kinadoroonan ng sinasamba nating Diyos sa pamamagitan ng katapatan ng walang malay na kamusmusan; ang tunog ng batingaw na nakaaaliw sa atin buhat sa pagkabata, ang mga malalawak na kaparangan, ang lawang bughaw, na may mga kaakit-akit na pasigan ng mga bulaklak na parang pugad ng pag-ibig; o ang ganitong matamis na damdamin?

Ang sigwa kaya, na kumakawala, humahagupit at naghahapay, sa pamamagitan ng kanyang kakilakilabot na haginit, ng tanang nasasagasaan sa dinaraanan niya; ang lintik kayang nakatakas sa kamay ng nakapangyayari at pumupuksa sa bawa't tamaan; ang agos kaya o ang talon ng tubig, mga bagay na walang tantan ng paggalaw at walang tugot ng pagbabala? Ang lahat kayang ito ang sa ati'y nakaaakit, nakararahuyo't nakahahalina?

Marahil, ang mga kariktang ito o ang mga sariwang gunita ang siyang nagpapatibay sa taling bumibigkis sa atin sa lupang sinilangan at nagbubunga ng matamis na katiwasayan kapag tayo'y nasa-ating bayan, o kaya'y ng matinding kapanglawan kapag tayo'y nalalayo sa kanya, simula ng isang malupit na karamdamang tinatawag na "nostalgia" (matinding pag-aalaala sa sariling tahanan o bayan).

O! Kailanma'y huwag ninyong pasakitang-loob ang taga-ibang lupa, ang umaahon sa inyong mga dalampasigan; huwag ninyong gisingin sa kanya ang buhay na gunita ng kanyang bayan, ng mga ligaya sa kanyang tahanan, sapagka't kung magkakagayon, sila'y mga sawimpalad ng gigisingin ninyo sa kanila ang karamdamang yaon, masugid na multong hindi hihiwalay sa kanila hanggang hindi masilayan ang tinubuang lupa, o hanggang sa tumugpa sa bingit ng hukay.

Huwag kayong magbuhos kailanman ng isang patak ng kapaitan sa kanyang puso, palibhasa'y sa ganitong pagkakataon ay nag-iibayo ang mga dalamhati kung ihahambing sa mga kaligayahan sa nawalang tahanan.

Tayo nga'y ipinanganganak, lumalaki, tumatanda, at namamatay na nagsisimpan ng banal na damdaming ito. Ito kaipala'y siyang lalong nananatili, kung mayroon mang kapanatilihan sa puso ng tao, at tila hindi siya humihiwalay sa atin kahit na sa libingan na rin. Si Napoleon, na nakikinikinita na niya ang madilim na kailaliman ng libingan, ay nakagunita sa kanyang Pransiya, nalabis niyang pinakamahal, at sa pagkakatapo'y pinaghabilinan niya ng kanyang mga labi, sa pananalig na sa sinapupunan ng kanyang inang-bayan ay makakasumpong ng lalong matamis na pagpapahingalay.

Si Ovidio, na lalong kulang-palad, sa pagguguniguning kahit na ang mga abo niya'y hindi na makabalik sa Roma, ay naghihingalo sa Ponto Euxino, at inaaliw ang sarili sa pag-aalaalang kung hindi man siya, ang mga tula man lamang niya'y makamamalas sa kapitolyo.

Noong bata pa tayo'y nawili tayo sa mga laro; nang magbibinata na'y nalimot na natin ang mga yaon; nang magbinata na'y humanap tayo ng ating pangarap; nang mabigo naman tayo'y tinangisan natin ito; at tayo'y humanap ng lalong tunay at lalong kapaki-pakinabang; nang tayo'y maging ama na'y namatayan tayo ng mga anak at pinapawi ng panahon ang ating hapis, gaya ng pagpawi ng hangin sa dagat sa mga baybayin habang nalalayo sa mga ito ang sasakyan.

Datapuwa't, sa kabilang dako, ang pag-ibig sa inang-bayan ay hindi napaparam kailanman kapag nakapasok na sa puso, palibhasa'y nagtataglay sa kanyang sarili ng tatak na maka-Diyos na ikinapagiging walang kamataya't walang hanggan.

Sinasabing ang pag-ibig kailanman ay siyang pinakamakapangyarihang tagapagbunsod ng mga gawang lalong magiting; kung gayon, sa lahat ng mga pag-ibig, ang pag-ibig sa inang-bayan ay siyang nakalikha ng mga gawang lalong dakila, lalong magiting at lalong walang halong pag-iimbot. Kung hindi'y bumasa kayo ng kasaysayan ng m,ga ulat ng pangyayari taun-taon, ng mga alamat; pumasok kayo sa sinapupunan ng mga mag-anak; anong mga pagpapakasakit, mga pagbabata at mga luha ang ibinubuhos sa kabanal-banalang dambana ng inang-bayan!

Buhat kay Bruto, na nagparusa sa kanyang mga anak na pinaratangan ng pagtataksil hanggang kay Guzman, ang mabuti, na pumayag na patayin ang kanyang anak, huwag lamang siyang magkulang as tungkulin; anong mga dula, mga sakuna, mga pagpapakasakit ang hindi naisagawa alang-alang sa kagalingan ng hindi mapalubay na kadiyusang iyong walang maipapalit sa mga anak nila, maliban sa pasasalamat at mga pagpapala.

At gayunman, sa pamamagitan ng mga bahagi ng kanilang puso'y nagtatayo sila ng maluwalhating bantayog sa inang-bayan; sa pamamagitan ng mga gawaa ng kanilang mga kamay, sa pamamagitan ng pawis ng kanilang mga noo ay dinilig at napamunga ang banal na punung-kahoy, at hindi sila naghintay ni nagkaroon ng anumang gantimpala!

Masdan ninyo roon ang isang taong nagkukulong sa kanyang silid; sa kanya'y lumilipas ang lalong mahahalagang araw, ang mga mata niya'y lumalabo, ang buhok niya'y nangangabo at nalalagas na kasama ng mga pangarap niya; ang katawan niya'y nakukuba. Sinasaliksik niya sa loob ng maraming taon ang isang kaatotohanan, nalutas niya ang isang suliranin: ang pagkagutom at pagkauhaw, ang ginaw at alinsangan, ang mga karamdama't kasawian ay humarap na sunud-sunod sa kanya. Papanaog siya sa libingan, at sinamantala ang kanyang paghihingalo upang ihandog sa inang-bayan ang isang pumpon ng bulaklak para sa korona nito, isang katotohanan, bukal at simula ng libong pakinabang.

Ibaling ninyo ang tingin sa ibang dako; isang taong dinarang ng araw ang nagbubungkal ng lupa upang paglagakan ng isang binhi; siya'y isang magbubukid. Siya'y umaabuloy din sa pamamagitan ng maliit bagama't makabuluhang paggawa, sa kaluwalhatian ng kanyang bansa.

Ang inang-baya'y nasa panganib ! Sumusulpot sa lupa, na parang malikmata, ang mga mandirigma't mga pangunahin. Iniiwan ng mga ama ang mga anak, ng mga anak ang ama, at lahat sila't dumadaluhong upang magtanggol sa ina ng lahat. Nagpapaalam sila sa tahimik na pakikipagbaka sa tahanan at inililingid sa ilalim ng talukap ngmga mata ang mga luhang pinadadaloy ng kalambutan ng loob. Sila'y nagsiyao, at lahat ay namatay. Marahil, siya'y ama ng maraming anak na mapupula't kulay sagang katulad ng mga kerubin, marahil siya'y isang binatang may pag-asang nakangiti; anak man o mangingibig ay hindi nakakasalabid! Ipinagtatanggol niya ang sa kanya'y nagbigay ng buhay, natupad niya ang kanyang tungkulin. Si Codro man o si Leonidas, kahit na sino siya, ang inang-bayan ay matututong umalaala sa kanya.

Ipinara ng ilan ang kanilang kabataan, ang kanilang kaligayahan; ang iba'y naghandog sa kanya ng kaningningan ng kanilang kadalubhasaan; ang mga ito'y nagbubo n g kanilang dugo; ang lahat ay namatay at nagpamana sa kanilang inang-bayan ng isang malaking kayamanan; ng kalayaan at ng kaluwalhatian.

At siya, ano ang nagawa niya para sa kanila? Sila'y tinatangisan niya at buong pagmamalaking inihaharap sa daigdig, sa mga ipanganganak pa at magiging anak ng mga ito upang maging halimbawa.

Datapuwa't ay! Kung sa kababalaghan ng iyong ngalan, o Inang-bayan! Ay nagniningning ang mga kabaitang lalong makabayani, kung sa iyong ngala'y naisasagawa ang mga pagpapakasakit na higit sa kakayahan ng tao, as kabilang dako nama'y gaanong pang-aapi…!

Buhat kay Hesukristong puspos ng pag-ibig, na pumanaog sa lupa sa ikagagaling ng sangkatauhan, at namatay alang-alang sa kanya sa ngalan ng mga batas ng kanyang bayan, hanggang sa mga lalong di-kilalang sinawi ng mga makabagong paghihimagsik, ilan, ay! ang hindi nagtiis at namatay sa iyong ngalang kinamkam ng iba! Ilang sinawi ng pagtatanim, ng pag-iimbot o ng kamangmangan, ang hindi namatay, na nagpapala sa iyo, at nagnanais para sa iyo ng lahat ng uri ng kapalaran!

Maganda at dakila ang inang-bayan, kapag ang anak niya, sa sigaw ng pakikipaglaban, ay gumayak sa pagtatanggol sa matandang lupa ng kanilang mga ninuno; malupit at mapagmalaki, kapag, buhat sa mataas niyang luklukan ay nakikita ang dayuhang tumatakas sa sindak sa harap ng hukbong hindi magapi ng kanyang mga anak. Datapuwa't ang kanyang mga anak, na nagkakahatihati sa magkakalabang pangkatin ay nagpapatayan; kapag ang poot at pagtatanim sa kalooban ay nagwawasak ng mga parang, mga bayan at mga lunsod, sa gayon, ay niluluray niya sa kahihiyan ang kanyang balabal, at matapos itapon ang setro, ay nagluluksa dahil sa mga anak niyang namatay.

Maging anuman nga ang kalagayan natin, ay nararapat nating mahalin siya at walang ibang bagay na dapat naisin tayo kundi ang kagalingan niya. Sa gayo'y gagawa tayo, alinsunod sa tadhana ng sangkatauhang itinakda ng Diyos, na dili iba kundi ang pagkakasundo't kapayapaang pandaigdig ng mga nilikha niya.

Kayong nawalan ng mithiin ng inyong kaluluwa,; kayong sa pagkaksugat ng inyong puso'y nakita ninyong naglahong isa-isa ang inyong mga pangarap at katulad ng mga punungkahoy sa tag-ulan, ay nasumpungan ninyo ang inyong sariling walang bulaklak at walang dahon at gayong nananabik na magmahal ay wala naman kayong makitang karapat-dapat sa inyo, nariyan ang inang-bayan, mahalin ninyo siya.

Kayong nawalan ng isang ama, ng isang ina, ng isang kapatid, ng isang asawa, ng isang anak, ng isang kasintahan, sa wakas, na siyang pinagbatayan ng inyong pangarap, at sa inyong sarili'y nakatagpo kayo ng isang malalim at kasindak-sindak na kawalan, nariyan ang inang-bayan; mahalin ninyo siya ng gaya ng nararapat.

Mahalin ninyo siya, oo nga, nguni't hindi gaya ng pagmamahal sa kanya ng nakaraang panahon, sa paggawa ng mga malulupit na kabanalang itinakwil at sinumpa ng tunay na kabaitang-asal at ng inang kalikasan; hindi sa pagpaparangalan ng pananampalatayang bulag, ng pagwawasak at ng pagkamalupit, hindi nga. Lalong kaaya-ayang bukang-liwayway ng kristiyanismo, sagisag ng mga araw na maligaya at matahimik. Kautangan nating manunton sa matigas nguni't payapa't mabungang landas ng agham na humahantong sa pag-unlad, at buhat doo'y sa pagkakaisang nilunggati't hiningi ni Hesukristo sa gabi ng kanyang pagpapakasakit.

LAONG-LAAN
BARSELONA, HUNYO, 1882


Source: http://www.geocities.com/cavitesu/tinubuan.htm

Pera
by Abul Khair bin Abdul Hamid
Posted Jan. 27, 2004

Pera kung tawagin ay Yaman.
Ito'y hinahanap kahit saan,
Minsa'y naipagpalit ang Katarungan,
Pati kalayaan ng bawat mamamayan.

Sa katunayan yan ang kapalit ng Bayang ipinangako,
Kung saan Moro ay binenta ng Kastila sa Kano,
Kasama ang Relihiyon, Gobyerno at estado ng Moro.
Kaya sa ngayon, Moro sa bayan naging estranghero.

May pinunong Moro ngayo'y mabibili na.
Salingsing ng pera'y kapalit ng tunog ng bomba.
Sa maliit na halaga Jihad ay itinigil na.
Bigyan mo lang ng ilang libo, siya'y susuko na.

Prinsipyong ipinaglalaban ay nawala na,
Maging ang pagod at hirap ay binalewala,
Dahil siya raw sa hirap ay magpapahinga,
Kaya't siya'y sumuko dahil yan ang akala niya.

Subalit yan nga ba ang totoo?
O kaya’y kayo ay kanilang naloko.
Na parang batang nabigyan ng puto.
Tinanggap naman ito at nagtaas noo.

Kaibigan at mga kapatid,
gintong isipan mo'y palawakin,
Layunin sa kalawakan ay habulin ng tingin,
Upang sa ganoon makamtan mo ang iyong mithiin,
At mula ngayon, problemang Moro ay iyong harapin.


Source: http://www.bangsamoro.com/lit/pm_012704_d.php

Bulag Na Hustisya, Binilog Ang Masa
By Khadijah Bint Alimudin Posted March 31, 2005

Bumabagabag sa aking isipan,
Ba’t patuloy na pinapahirapan?
Mga kapatid kong Muslim sa Pilipinas,
Matinding dalamhati ang dinaranas;

Abu Sayaf! Kriminal! Terorista!
Maling paratang lagi sa kanila,
Mga taong mangmang sa Islam,
Pag-isipang mabuti bago kayo'y masuklam.

Di ba’t iilang armas at bala lang ang nasa pihitan?
Di ba’t inosente sa kanila’y karamihan?
Hindi na nga matapos-tapos ang paglilitis,
Sa kulungan ay pawang insektong tinitiris;

Sinong makakapagsabi ng totoo?
AFP, politiko, pati media ay tuta ng gobyerno!
Aba’y niloloko nyo ang taong bayan,
Pabor lahat sa iyno ang ebidensyang pinapatunayan.

Anong klaseng batas meron tayo?
Boses ng mga Muslim, binabalewala nyo!
Utak ng karamiha'y laging nilalason,
Bombang sumasabog, dulot daw ng Mindanaon?

Anong kabutihan meron ang patayan?
Mission accomplished!
Yan ang inyong batayan,
Dakilang tanga at mapaglinlang!
Di ko mawari ilang beses, di na lubos mabilang!

May kridibilidad pa ba si DILG Reyes?
Militar sugapa sa korapsyon!
di ba ayon sa grupo ni Trillanes?
Sa halip na imbestigahan ito ni Gloria,
Pinarangalan ang mga gago, at promoted pa!

Parouk Hussein na ARMM gobernor,
Ano pong nagawa nyo bilang negosyador?
Kayo’y sadyang di pinagbigyan,
Opinyon ninyo ay di pinakinggan.

Tagapagbalita, nasaan na kayo?
Ba’t laman ng estorya ay puro sundalo?
Wala na bang magandang ihahatid?
Sa biktima ng massacre na aming mga kapatid?

Kay hirap mong gisingin,
nagtutulog-tulugan!
O bigyang liwanag ang nagbubulag-bulagan!
Sa mga nagbibingi-bingihan diyan!
Basta’t may GOVERNMENT POSISYON ay ayos lang!

Materyal na bagay sa mundo ay dapat ibasura!
Pagtuunang pansin, paghandaan ang akhira!
Huwag maghiwa-hiwalay!
Yan ay bitag ng mga kaaway!

Huwag hayaang abusuhin at tugisin!
Ang mga pumanaw na ay mga kapatid mo rin!
Pandaigdigang kontra-terorismo!
Pakana ng pwersang Yahudi’t Amerikano!

Magpapaalipin ka pa ba sa mga kaaway?
Magpapahaba ka rin ba ng sungay?
Huwag ipagkanulo kapatid mong Muslim,
Pag-aralan ang tungkulin, magdasal ng taimtim;

Hangga’t tayo’y salat nitong kaalaman,
Di magiging bagkus, tunay na pinaninindigan;
Tungkulin sa ALLAH (SWT) ay dapat maintindihan,
Ipagbawal ang masama, ipalaganap ang kabutihan.
-
This poem is dedicated to the 22 martyred Muslims in Camp Bagong Diwa. You can e-mail the writer at sakinah2304@yahoo.com.

Source: http://www.bangsamoro.com/lit/pm_033105_b.php

Bangsamoro o Filipino
By Sapih Mandangan Posted August 14, 2005

Ako’y minulat ng aking ama upang makibaka
Kahit ako’y musmos, baril at di laruan ang aking sandata
Sa bulubundukin ng Sulu ako’y nakipagdigma
Karangalan ko ang mamatay sa sarili kong lupa

Sabi ni itay, wag papaapi sa dayuhang Pilipino
Sasakop sa ating lupain na parang mga Hapon at mga Amerikano
Wag nyong hayaan ilagay ang cross sa mga dibdib nyo
Parang ginawa ng Kastila sa kanilang mga ninuno

Ang Pilipino daw ay isang malaking duwag
Pinagkanuno ang kanilang karangalan sa mga dayuhan
Noon hanggang ngayon ay walang paninindigan
Patuloy pa rin ang lupaing kamkam ng dayuhang mamumuhunan

Ang lupain ng Bangsamoro ngayon ay sinakop nyo na
Taong galing Luzon at Visayas, sila’y nagkaisa
Manirahan sa lupaing Mindanao at ito'y kamkamin nila
Wag po sana tayong magbulag-bulagan sa totoong kasaysayan

Sabihin nyo ngayon halos lahat ng nasa Mindanao ay taga-Visayas
Ito’y dugo't pawis, ang aming pinuhunan
Upang panatilihing marangal at makasaysayan ang aming bayan

---therd_abel@yahoo.com

Source: http://www.bangsamoro.com/lit/pm_081405_c.php?PHPSESSID=c544086eea24be82477c42bd2e19855f

ISTORYA NG PUTA...

Ang dapat malaman nating mga Pilipino: kumakalat sa Internet ang sumusunod na istorya, na pag iisipin ay nagpapaliwanag tungkol sa kinahinatnan ng ating Bayan. Tatlong dayuhan ang sumakop sa atin: Kastila, Amerikano at Hapon: (377, 48 at 5 taon).

Sa tatlo, maganda ang pinakita sa atin ng Kano kaya hindi natin napansin ang pailalim na panloloko. Para tayong nagayuma ng walang katapusan. Dahil hanggang ngayon, bilib na bilib pa rin tayo ke Kano.

Tuloy pa rin ang panloloko, katulong ang mga taksil na naghaharing uri: karamihan sa pulitika, sa militar, ating mga technocrats kasama ng mga dayuhang korporasyon ng Kano, Intsik, Hapon, Koreano at iba pa.

Dahil sa kataksilang ito, ang kayamanan ng ating Bayan ay nililimas ng mga Kano at bagong dating na dayuhan, kasama na dito ang gawing bahay aliwan, bakasyunan, putahan ang Bayan, habang naghihirap ang karamihan.


(ps. hindi ko alam kung sino ang manunulat)
*********************************************************
ISTORYA NG PUTA...

Tingin ng mga bobong kapitbahay ko puta daw ako.

Nagpapagamit, binabayaran. Sabi nila ako daw angpinakamaganda at pinakasikat sa aming lugar noon.Ang bango-bango ko daw, sariwa at makinis. Di konga alam kung sumpa ito, dahil dito naletse angkinabukasan ko. Halika at makinig ka muna sa kwento ko.

Alam mo, maraming lumapit sa akin, nagkagusto,naakit. Sikat ka sa lahat, virgin eh! Tinanggap konaman silang tao, bakit kaya nila ako ginago? Masakit alalahanin, iniisip ko na lang na kase disila taga rito, siguro talagang ganoon.

Tatlong malilibog na foreigners ang namyesta sa katawan ko,na-rape daw ako?Sa tatlong beses akong nagahasa, ang pinakahuli ang di ko makakalimutan.

Parang maski di ko ginusto ang mga nangyari, hinahanap-hanap ko siya. Tinulungan nya kasi akong makalimutan yung mga sadistang Hapon at Kastilaloy. Kase, ibang-iba ang hagod niya.

Umiikot ang mundo ko sa tuwing ginagamit niya ako. Ibang klase siya mag-sorry, lalo pa at kinupkop niya ako at ang mga naging anak ko. Parating ang dami naming regalo - may chocolates,yosi, at ano ka... may datung pa! Nakakabaliw siya, alam kong ginagamit nya lang ako pero pagamit naman ako nang pagamit.

Sa kanya namin natutunan mag-Ingles, di lang magsulat ha! Magbasa pa!Hanggang ngayon, sa tuwing mabigat ang problema ko,siya ang tinatakbuhan ko. 'Yun nga lang, lahat ng bagay may kapalit. Nung kinasama ko siya, guminhawa buhay namin. Sosyal na sosyal kami.

Ewan ko nga ba, akala ko napapamahal na ako sakanya. Akala ko tuloy-tuloy na kaligayahan namin,yun pala unti-unti niya akong pinapatay. Putang Ina! Sa dami ng lason na sinaksak niya sa katawanko, muntik na akong malaspag.

Ang daming nagsabi na ang tanga-tanga ko. Patalsikin ko na daw. Sa tulong ng mga anak ko, napalayas ko ang animal pero ang hirap magsimula. Masyado na kaming nasanay sa sarap ng buhay nanaranasan namin sa kanya.

Lubog na lubog pa kami sautang, kulang ata pati kaluluwa namin para ibayad sa mga inutang namin. Sinikap naming lahat maging maganda ang buhay namin. Ayun, mga nasa Japan, Hong Kong, Saudi ang mga anakko. Yung iba nag-US, Europe. Yung iba ayaw umalis sa akin.

Halos lahat, wala naman silbi, masaya daw sa piling ko, maski amoy usok ako. Sa dami ng mga anak ko na nagsisikap na tulungan ang kalagayan namin, siya din ang dami ng mga anak ko nanamamantala sa kabuhayan at kayaman na itinatabi ko para sa punyetang kinabukasan naming lahat.

Dumating ang panahon na di na kami halos makaahon sahirap ng buhay. Napakahirap dahil nasanay na kami sa ginhawa at sarap. Ang di ko inaakala ay mismong mga anak ko, angtuluyang sisira sa akin. Napakasakit tanggapin na malinlang.

Akala ko ay makakakita ako ng magiging kasama sa buhay sa mga ahas na ipinakilala ng mga anak ko. Hindi pala. Ang tanga ko talaga. Binugaw ako ng sarili kong mga anak kapalit ng kwarta at pansamantalang ginhawa na nais nilang matamasa.

Wala na akong nagawa dahil sa sobrang pagmamahal ko sa aking mga anak. Wala akong ibang yaman kundi ganda ko. Pinagamit ko na lang ng pinagamit ang sarili ko, basta maginhawa lang ang mga anak ko. Usap-usapan ako ng mga kapitbahay ko. Maynanghihinayang, namumuhi at naaawa. Puta na kase ang isang magandang tulad ko.

Alam mo, gusto ko na sanang tumigil sa pagpuputa kaso ang laki talaga ng letseng utang ko eh. Palakipa ng palaki. Kulang na kulang. Paano na lang ang mga anak ko naiwan sa aking punyetang puder? Baka di na ako balikan o bisitahin ng mga nag-abroad kong mga anak.

Hindi na importante kung laspagin man ang ganda ko, madama ko lang ang pagmamahal ng mga anak ko. Malaman nila na gagawin ko ang lahat para sa kanila. Sa tuwing titingin ako sa salamin, alam ko maganda pa rin ako.

Meron pa din ang bilib sa akin. Napapag usapan pa din. Sa tuwing nakikita ko angmukha ko sa salamin, nakikita ko ang mga anak ko.Tutulo na lang ang mga luha ko ng di ko namamalayan. Ang gagaling nga ng mga anak ko, namamayag pag kahitsaan sila pumunta. Mahusay sa kahit anong gawin.Tama man o mali.

Proud ako sa kanila. Kaso sila,kabaligtaran ang nararamdaman para sa akin.Sa dami ng mga anak ko, iilan lang ang may malasakit sa akin. May malasakit man, nahihilaw. Ni di nga ako kinikilalang ina.

Halos lahat sila galit saisa't isa. Walang gusto magtulungan, naghihilahan pa. Ang dami ko ng pasakit na tiniis pero walang sasakit pa nung sarili kong mga anak ang nagbugaw sa akin. Kinapital ang laspag na ganda ko. Masyado silang nasanay sa sarap ng buhay.

Minsan sapagtingin ko sa salamin, ni hindi ko na nga kilala ang sarili ko.

Dadating na naman ang pasko, sana maalala naman akong mga anak ko. Ilang buwan pa, magbabagong taon na. Natatakot ako sa taong darating. Ngayon palang usap usapan na ang susunod na pagbubugaw ng ilan sa mga anak ko.

Sana may magtanggol naman sa akin, ipaglaban naman nila ako. Gusto kong isigaw:"INA NINYO AKO! MAHALIN NYO NAMAN AKO!"

Salamat ha, pinakinggan mo ako.

Ay sorry, di ko pala nasabi....

PILIPINAS nga pala pangalan ko!